impeyalismo,
pyudalismo,
burukrata kapitalismo,
IBAGSAK!!!!!
NO TO CAH CHA
NO TO VAT
NO TO OIL DEREGULATION LAW
NO TO LIBERALISM GOVERNMENT
NO TO GLORIA ARROYO-US GOVERNMENT
Labanan ang diktadura at panunupil!
December 14, 2008
Patuloy na minumulto si Gloria Macapagal-Arroyo ng mga malignong bigo niyang tinataguan. At hindi pa man nanahimik ang kalakhan, walang puknat pa rin ang pagsulpot ng mga bagong kababalaghang patuloy na bumubulabog sa kanyang panunungkulan.
Nitong Oktubre, bumulalas ang panibagong iskandalong dulot ng mga tinaguriang ‘euro generals’ nang matuklasan ang 105,000 euros (P6.9 milyon) sa bagahe ni retired Philippine National Police comptroller Eliseo dela Paz sa Moscow International Airport. Pabalik na sana si dela Paz sa Pilipinas mula sa dinaluhang 77th Interpol General Assembly kasama ang pito pang opisyal ng PNP. Ang salaping natuklasan kay dela Paz ay labis-labis sa inaprubahang P2.3 milyong pondo para sa naturang byahe.
Sa kanyang pagbalik, inihayag ni PNP Director General Jesus Verzosa sa midya at sa isinagawang pagdinig sa Senado na ang salapi ay gagamitin diumano upang bumili ng ‘intelligence equipment’ ngunit nabigo niyang ipaliwanag kung saan galing ito at kung sino ang nag-awtorisang ilabas ito. Maugong ang opinyon at hinala ng taumbayan at mga kritiko ng gobyerno na maaaring mula na naman sa katiwalian ang 105,000 euros na sangkot sa iskandalo.
Hindi pa man tuluyang humuhupa ang isyu ng ‘euro-general scandal,’ umugong naman sa balita ang pagbalik ni dating Department of Agriculture Undersecretary Jocelyn ‘Joc-Joc’ Bolante sa bansa. Matatandaang si Joc-Joc ang sangkot sa mahigit P728 milyong fertilizer fund na ginamit umano para sa pangangampanya ni Arroyo noong nakaraang halalan. Ang fertilizer scam ang isa sa pinakakontrobersyal na isyu ng korupsyon na kinasasangkutan ni Arroyo sampu ng kanyang mga alipores sa gobyerno. Itinuturing na tiyak na lalong malalantad ang kabulastugan ni Arroyo sakaling maglabas ng testimonya si Joc-Joc. Nakatakdang muling buksan ang pagdinig sa Senado hinggil sa fertilizer scam sa susunod na linggo.
Ang mga kaganapang ito at iba pang mga di-resolbadong isyu ng gobyerno ni Arroyo ang tinatayang nagbunsod sa mga obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na manawagan para sa ‘pagbabago ng rehimen at pagbabago ng sistema, ngayon na.’ Ito na ang pinakamatapang na pahayag ng CBCP mula nang manungkulan si Arroyo. Nanawagan ang mga obispo na walang ibang panahon kundi ngayon upang maghanda at kumilos para sa pagbabago sa gobyerno. Anila, hindi mareresolba ang malawakang korupsyon hanggat nananatili si Arroyo sa pwesto.
Halos kasabay naman ng pahayag ng CBCP ang pagsampa ni ZTE whistle-blower Jose ‘Joey’ de Venecia III ng panibagong impeachment complaint laban kay Arroyo.
Walang kamatayang Charter change Samantala, isa rin sa mga Obispo ng CBCP, si Archbishop Oscar Cruz, ang pinakahuling nagbabala sa publiko sa muling pagpapakana ng gobyerno ni Arroyo sa charter change sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso ngayong buwan. Hindi malayong mangyari ito gayong batbat na naman ng kontrobersiya si Arroyo at lalong lumalabo ang katiyakang manatili siya sa pwesto hanggang sa eleksyong 2010 at lagpas pa.
Bagamat malaon nang nailantad ang motibo ni Arroyo sa cha-cha at sa kabila ng malawak na pagtutol dito ng mamamayan, cha-cha pa rin ang pangunahing inaasahan ni Arroyo para manatili sa pwesto at maisalba ang sarili sa paniningil ng mamamayan. Maging ang kinakaharap na pinakamatinding krisis sa ekonomiya ng mamamayan ay kinakasangkapan ni Arroyo para igiit ang cha-cha – sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga ilang nalalabing proteksyon sa Konstitusyon para sa pambansang patrimonya at soberanya. Pangunahin dito ang pagtanggal sa probisyong naglilimita sa dayuhang pag-aari sa bansa para diumano mas makapang-akit ng dayuhang negosyo at pamumuhunan ngayong panahon ng krisis. Ani House Speaker Prospero Nograles, ito raw ang pinakamainam na paraan gayong tiyak na naghahanap ng mapaglalagakan ng kapital ang mga kumpanya sa US at iba pang mga bansa ngayong panahong ng global financial crisis.
Samantala, una nang idineklara ng Korte Suprema na iligal ang motibong cha-cha ni Arroyo sa pagsusulong ng kontrobersyal na MOA-AD (Memorandum of Agreement on Ancestral Domain). Ito sana ang gagamiting pakana ni Arroyo para patagong ipatupad ang cha-cha sa likod ng makatwiran sanang hangarin ng mga kababayan nating Moro para sa sariling teritoryo.
Ngayong muling magbubukas ang Kongreso, tiyak namang ipagpipilitan ni Arroyo ang paggiit sa ‘magkasanib na Constitutional Assembly (unilateral Con-Ass)’ kahit na siguradong tatanggihan ito ng Senado at idineklara na ring labag sa batas. Paborable ang isang magkasanib na Con-Ass para kay Arroyo lalo pa’t mayorya ng Kongreso ay kanyang mga kaalyado – tulad ng kung paanong nakasangkapan niya ang kanyang mga kaalyado upang ibasura ang naunang mga impeachment complaint laban sa kanya. Inaasahang muling ihahapag ng pangkat ni Arroyo ang magkasanib na Con-Ass sa Korte Suprema pagsapit ng 2009 matapos niyang palitan ang halos kalahati ng mga kasapi ng mahistrado ng kanyang mga appointee.
Pasismo, Panlilinlang at Panunupil
Dahil desperadong makapanatili sa pwesto, ginagawa ni Arroyo ang lahat ng paraan upang hatiin, hadlangan at supilin ang hanay ng mga ligal na oposisyon at kilusang masa. Tuluy-tuloy ang pagbigwas ni Arroyo ng pulitikal na panunupil at dahas, pangunahin na sa mga lider-aktibista at kasapi ng mga aktibistang organisasyon. Tampok ngayon ang ‘kriminalisasyon’ ng mga aktibista sa pamamagitan ng pagsampa ng mga kasong pulos paratang at walang batayan.
Enero ngayong taon nang iligal na arestuhin at ikulong si Randy Echanis, lider-magsasaka at beteranong aktibista, sa bisa ng kasong parehong isinampa at malaon nang ibinasura laban kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo noong nakaraang taon. Gayundin, may 27 lider-aktibista ng BAYAN (Bagong Alyansang Makabayan) at mga alyadong organisasyon nito ang sinampahan ng walang batayang kaso ng pagsunog at pagpatay sa Timog Katagalugan – tatlo sa kanila ay iligal na inaresto at kasalukuyang nakakulong, kabilang na ang respetadong labor lawyer na si Atty. Remigio Saladero.
Samantala, patuloy pa rin ang extra-hudisyal na pagpatay at forced disappearances na sangkot ang hinihinalang mga elemento ng militar. Pinakatampok ang kaso ng pagdakip kina Jonas Burgos, Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, at nitong huli ang pagdakip kay James Balao, lider ng Cordillera People’s Alliance (CPA).
Tagos naman ang bangis ng panunupil ng estado maging sa mga kampus at eskwelahan. Ilang mga lider-estudyante ang hayagang pinararatangang mga ‘NPA recruiter at komunista’ at sukdulang sampahan ng gawa-gawang kasong rebelyon ang limang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Lopez, Quezon.
Sa Jose Rizal University naman, 19 estudyante ang di-makatarungang sinuspindi ng administrasyon ng paaralan dahil lamang pinangunahan nila ang isang kilos-protesta laban sa Value Added Tax (VAT). Samantala, patuloy ang paglulunsad ng mga forum at symposium ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng ROTC (Reserved Officers Training Corps) na walang ibang layunin kundi siraan ang mga aktibista at progresibong organisasyon ng mga kabataan sa mga eskwelahan.
Panlilinlang din ang isinusulong na nag-aastang progresibong Magna Carta of Students ni Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel sa Kongreso na naglalaman ng mga panukalang magliligalisa, reguralisa at magpapahintulot ng higit pang panunupil sa mga estudyante.
Kaya naman hindi malayong sa gitna ng paglaban ng kabataan at mamamayan sa patuloy na diktadura, panunupil at mga pakana ni Arroyo para manatili sa pwesto tulad ng cha-cha ay hindi ito mag-aatubiling ibigwas ang kanyang huling alas: ang tahasang pagdeklara ng batas militar.
Labanan ang diktadura at panunupil!
Kailangang maging mapagmatyag at mapagbantay sa mga kaganapan pag-usad ng mga usaping pampulitika habang patuloy na tinututulan ang pambubusabos ng mga patakaran ni Arroyo sa ekonomiya.
Kailangang puspusang maglunsad ng tuluy-tuloy at sustinidong malawakang kampanyang higit na maglalantad sa desperasyon ni Arroyo na makapanatili sa pwesto. Nakaamba ang kaliwa’t kanang mga pakana kabilang na ang iba’t ibang mga iskema at paraan sakaling mabigo ang cha-cha at matuloy ang halalan sa 2010. Hindi kailanman pahihintulutan ni Arroyo na mawala sa estado-poder dahil nangangahulugan ito ng kanyang pagharap at pagkakalaboso sa lahat kanyang mga krimen sa mamamayan.
Tinatanaw natin ang isang pambansang malaking pagkilos ng kabataan-estudyante sa Nobyembre 25 na may temang, ‘Youth Defy Arroyo’s Tyranny’. Kailangang tiyakin ang pagkakawing ng mga isyung lokal at sektoral sa paniningil sa rehimeng Arroyo. Malakas na labanan ang mga pakana ni Arroyo para atakehin at supilin ang mga demokratikong karapatan at interes ng mamamayan.
Kailangang mag-ipon ng sapat na lakas at pwersa ang kilusang kabataan at masa upang masustini ang kampanya laban sa diktadura at panunupil ni Arroyo kahit na sa panahon ng bakasyon. Ang sustinido at solidong lakas ng kabataan at mamamayan ang siyang magiging salalayan para sa inaasahang bugso ng kampanyang masa pagsapit ng unang kwarto ng susunod na taon.
Tanging sa isang dumadagundong kilusang masa mapagtatagumpayan ng mamamayan ang laban para sa tunay na pagbabago, demokrasya at katarungang panlipunan.


