AROUSE, ORGANIZE, & MOBILIZE!

impeyalismo,
pyudalismo,
burukrata kapitalismo,
IBAGSAK!!!!!

NO TO CAH CHA
NO TO VAT
NO TO OIL DEREGULATION LAW
NO TO LIBERALISM GOVERNMENT
NO TO GLORIA ARROYO-US GOVERNMENT

Home » Post Item » OFWs: nasa peligrong mawalan ng trabaho

OFWs: nasa peligrong mawalan ng trabaho

October 29, 2008

Sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo, ang lahat ng mga bansa ay mabubuhay lamang kung mag-eksport (ng kahit ano kasama na ang tao). Kung hindi maka-eksport o kaya di sapat ang eksport, tiyak dadanas ng matinding krisis ang naturang bansa.

Hindi lang ang Pilipinas ang “export-oriented economy” kundi lahat ng mga bansa kabilang na ang mayayamang mga bansa. Ito ang katangian ng imperyalismo bilang pandaigdigang sistema ng kapitalismo.

Dahil isang atrasadong kapitalistang bansa ang Pilipinas (at wala na itong pag-asa pang maging abanteng kapitalistang bansa kahit Kaliwa pa ang hahawak sa estado dahil nasa dekadenteng yugto na ang pandaigdigang kapitalismo), katulad ng ibang atrasadong mga bansa, isa sa mayor na inaasahan nito sa eksport ay “human export”. Sa Pilipinas, mga OFWs.

Ang mga OFWs ay lumikas sa Pilipinas dahil wala ng kapasidad pa ang kapitalismo sa bansa na bigyan ng matinong trabaho at sweldo ang dumaraming lakas-paggawa. Sa madaling sabi, ang pagiging inutil ng sistema ang dahilan ng paglabas ng milyun-milyong manggagawa. Sa kabilang banda, ang bilyung-bilyong pesos na remittances ng mga kapatid nating OFWs ang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa sa pangkalahatan.

Pandaigdigang krisis ng kapitalismo

Nasa panibagong matinding krisis ngayon ang pandaigdigang bulok na sistema. At nagsimula pa ito sa tinaguriang “pinakamayamang” bansa sa buong mundo – Amerika. Patunay lamang ito na hindi eternal ang sistema ng sahurang alipin at hindi komunismo ang bumagsak noong 1989 kundi kapitalismo ng estado.  

Dahil mga bangko at institusyong pinansyal ang unang bumagsak, tiyak ang susunod ay ang mga kompanya at industriya dahil wala ng mauutangan pang kapital ang mga kapitalista ng industriya.

Tiyak maraming mga kompanya at industriya ang magsasara kung hindi mahanapan ng temporaryong solusyon ng naghaharing uri ang kanyang krisis ngayon. Sa sarahan na posibleng mangyari, daan-daang milyong manggagawa ang mawalan ng trabaho sa unang daigdig. Kung magkaganoon, peligrong mawalan ng trabaho ang mga OFWs sa Amerika at Uropa.

Ang mga manggagawa din sa ibang mga bansa na dati ay may kapasidad na kukuha ng domestic helper, ngayon ay hindi na nito kaya dahil nawalan na ng trabaho o kaya ay nagtitipid dahil sa kakulangan ng sweldo.

Ang mga call centers naman dito sa Pilipinas kung saan mahigit 400,000 ang manggagawa ay peligro ding magsara kung magsara ang mga kliyente nitong kompanya sa USA at Urope.

Inutil ang estado ng Pilipinas

Nagsisinungaling sa sarili at sa manggagawang Pilipino ang estado ng Pilipinas sa kanyang assurance na may kapasidad daw itong saluhin ang mga OFWs na mawawalan ng trabaho sa ibang bansa. Ano ang gawin nito? WALA! Walang magagawa ang isang estado na lubog na lubog sa utang at umaasa lamang sa remittances ng OFWs! Walang maasahan sa isang estado na nabubuhay lamang sa pangungutang na siyang dahil ng kasalukuyang krisis pinansyal sa buong mundo – hindi na mabayaran ang mga utang!

Ang kahirapan at pagiging inutil ng estadong kapitalista ang pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang OFWs. Hanggang ngayon naghihirap ang bansa at inutil pa rin ang gobyerno kahit nagpalit-palit ang mga paksyon ng naghaharing uri sa paghawak sa kapangyarihan.

Ibayong kahirapan ang maranasan ng magsiuwiang OFWs sa Pilipinas. At alam ito ng mga kapatid natin sa ibang bansa.

Walang anumang batas mula sa Kongreso ang makapagbigay ng solusyon sa krisis ngayon ng sistema. Gaano man kadami ang mga Kaliwang kongresista sa kongreso (Bayan Muna, Akbayan, at iba pa). Wala itong magagawa dahil mismong ang Kongreso (kung saan kakutsaba ang Kaliwa) ay instrumento ng bulok na sistema.

Hindi rin solusyon ang nasyunalisasyon ng industriya sa ilalim ng isang pandaigdigang kapitalistang sistema. Ito ay kapitalismo ng estado na napatunayang palpak sa dating USSR, Eastern Europe, China, Vietnam, Cuba, etc. Ang kapitalismo ng estado ay tiyak na pipiga ng lakas-paggawa sa pamamagitan ng ibayong pagsasamantala sa mga manggagawa sa ngalan ng “pagmamahal sa bayan” at “pagtatanggol sa inang-bayan”.

Hindi lang ang estado ng Pilipinas ang inutil. Lahat ng mga kapitalistang estado sa buong mundo ay inutil! Hindi na nito masolusyonan ang krisis na nananalasa ngayon dahil ang puno’t-dulo nito ay ang mismong mga kapitalistang relasyon sa produksyon, ang sahurang pang-aalipin!

Nasa uring manggagawa ang pag-asa

Wala na sa kamay ng burgesya ang pag-asa para makaahon sa kahirapan ang sangkatauhan sa mundo. Ang pag-asa ay nasa kolektibong mga kamay ng mulat na internasyunal na uring manggagawa, ang uri na siyang bumubuhay sa lipunang kapitalista.

Wala sa loob ng sistemang kapitalista ang solusyon kundi nasa pagwasak sa sistemang ito. At ang uring manggagawa lamang ang may tanging kapangyarihan na wasakin ang bulok na sistema.

Nasa uring manggagawa ang pag-asa ng sangkatauhan. Pero ma-realisa lamang ito kung hindi na aasa ang proletaryado sa burges na parliyamento, burges na eleksyon, mga reporma sa loob ng sistema at mga burges na partido pulitikal kabilang na ang mga partido ng Kaliwa.

Kung aasa ang proletaryado sa sariling lakas at pagkakaisa. Kung aasa ito sa lakas ng kanyang pakikibaka sa lansangan – mga welga at demonstrasyon – laban sa kapitalistang estado mismo at sa mga atake ng uring kapitalista, tiyak sisikat ang araw ng pag-asa sa mundo.

Walang maasahan ang mga manggagawang Pilipino kundi ang pakikiisa sa mga kapatid na manggagawa sa ibang mga bansa. Hindi maaasahan ng manggagawang Pilipino ang burges na oposisyon at ang “makabayang” burgesya at pulitiko. Anumang partido pulitikal sa bansa na nanawagan ng pakikiisa sa burges na oposisyon at “makabayang” burgesya at pulitiko ay traydor sa interes ng uring manggagawa.

Ito ang papel ng mga komunista sa buong mundo – ipakita at ipaliwanag sa kanilang uri na ang pag-asa ay nasa kanilang pagkakaisa at pakikibaka laban sa kapitalismo, laban sa lahat ng paksyon ng burgesya, laban sa estado at sa lahat ng mga institusyon nito.

Posted by lfsarellanista at 4:31 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment